Ang TEXERE ay kolaboratibong plataporma na binabago ang anyo ng danas ng pagkawala ng tao tungo sa isang patuloy na nagbabagong digital na tapiseriya ng paggunita. Ang TEXERE ay pandiwang Latin na nangangahulugang "maghabi" at mula sa ugat na ito umuusbong ang mga salitang tulad ng 'text' at 'textile,' na naglalantad ng ugnayang singtanda ng panahon sa pagitan ng pagkukuwento at sa mga padron at imaheng inihahabi sa tela. 30,000 taon nang naghahabi ang tao para mabuhay at para ipakita ang ating lugar sa isang sapot ng mga ugnayan.
Pero minsan dumaranas tayo ng pagkawala at mahirap matukoy kung paano makipag-ugnayan dahil nakararamdam tayo ng pag-iisa.
Normal na bahagi ng karanasan ng tao ang pagkawala, pero madalas, hinihikayat tayong limutin ito, lampasan ito, at bilisan ang pag-usad. Kailangan natin ng mas maraming ritwal at bagay para tanggapin ang mga pagkawala upang higit na makapamuhay nang buo sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng TEXERE, ang paglikha ng digital na tapiseriya ay iiral bilang magkasabay na bagong bagay ng paggunita at biswal na patunay ng nakakapagpabagong gawain ng pagluluksa na pinagsasaluhan ng mga tao. Nagiging manghahabi ang bawat kalahok sa TEXERE na nakikipagkolaborasyon sa iba pang manghahabi sa iba't ibang panig ng daigdig sa isang bagong gawain ng paglikha ng paggunita.
Pumili ng kategorya ng pagkawala na may pag-alingawngaw sa sarili mong karanasan. Mag-alay ng text, imahen, o tunog para gunitain ang naranasang pagkawala. Iikirin ng TEXERE ang alay mo para maging sinulid at ihahabi ito sa isang tapiseriya ng paggunita na inambagan ng mga tao mula sa iba't ibang panig ng daigdig sa ilalim ng kaparehong kategorya ng pagkawala.
Puwedeng gumawa ng kahit ilang entri ang kahit na sino. Magbabago ang komposisyon ng tapiseriya ng paggunita sa bawat entri na gagawin ng sinuman sa mundo, anumang oras niya ito gawin. Habang nagbabago ang relasyon mo sa pagkawala sa paglipas ng panahon, magbabago rin ang mga entri mo na masasalamin sa habi ng tela. Lagi tayong nagbabago sa relasyon natin sa mga dinanas nating pagkawala at ang TEXERE ay paraan para makita kung paano tayo magkakasamang nagbabago gamit ang tapiseriya.
Kumuha ng screenshot at ibahagi sa social media ang mga tapiseriyang hinabi mo kasama ang iba gamit ang #texere o kaya ilagay sa device mo bilang likhang-sining na maaaring idispley sa tahanan mo. Naniniwala ako, mula sa kaibuturan ng puso ko, na isa kang manghahabi. Naging mapagmahal na udyok na natin bilang mga tao ang gawaing ito sa nagdaang 30,000 taon. Baguhin natin ang anyo ng mga dinanas nating pagkawala tungo sa bagay na maganda. Isa itong paglilingkod sa ating mga sarili at sa isa't isa. Ang tapiseriya natin ay magiging isang marikit na paggunita.
Sumasaiyo,
Indira